Bulkang Taal, ibinaba na sa alert level 3

Ibinaba na ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa alert level 3 ang Bulkang Taal kasunod ng paghina ng aktibidad nito.A

Sa tala ng Philippine Seismic Network, mula sa higit 900 volcanic earthquakes ay bumaba na lamang ito sa 20 kada araw mula January 12 hanggang 24.

Sa datos naman ng Taal Volcanic Network, mula rin sa higit 900 volcanic earthquakes ay bumaba sa higit 400 na lindol ang naitala mula January 7 hanggang 24.


Bumaba rin ang ibinubuga nitong asupre mula sa 5,300 tonnes kada araw ay nasa 140 tonnes kada araw na lamang ito mula January 13 hanggang 22.

Ayon kay Phivolcs Director Renato Solidum – mula sa 14 kilometer radius ay pinaliit ito sa 7 kilometer radius ang danger zone.

Ang pagbaba sa alert level status ay hindi nangangahulugang wala nang posibilidad na puputok ang bulkan.

Patuloy aniya ang pagbabantay sa posibleng pagbuga ng abo at gas, maging ang magma na umangat mula sa ilalim na bahagi ng bulkan

Sakaling lumala ang aktibidad ng Bulkang Taal, maaari muling itaas ang alert status nito.

Mananatili rin ang “no mans land” ang Taal Volcano Island – ibig sabihin, hindi ito pwedeng tirhan at bawal nang bumalik ang mga residente sa permanent danger zone.

Facebook Comments