BULLYING | Ateneo, tiniyak na iimbestigahan ang nag-viral na pambu-bully ng isang estudyante

Manila, Philippines – Tiniyak ng pamunuan ng Ateneo de Manila University na hindi nila palalampasin ang ginawang pananakit ng isa sa kanilang mga high school student sa kanyang mga kapwa mag-aaral.

Ito ay matapos mag-viral sa social media ang video kung saan makikita ang pananakit ng isang high school student na miyembro ng kanilang taekwondo team sa kapwa nito mga mag-aaral.

Mapapanood rin sa video ang pagtatanong ng estudyante sa kapwa nito mag-aaral kung gusto nitong mabugbog o mawalan ng dignidad.


Sabi pa ng estudyante, kung pipiliin ng kapwa niya mag-aaral ang mawalan ng dignidad ay papaluhurin niya ito para pahalikan ang kaniyang sapatos at maging ang kaniyang maselang bahagi ng katawan.

Pero dahil hindi tumugon ang malaking estudyante, dito na siya binugbog ng mag-aaral.

Ayon naman kay Ateneo President Jose Ramon Villarin, nagsasagawa na ng imbestigasyon ang school administration at prayoridad nila ang naturang insidente.

Aniya, hindi nila kinukunsinte ang naging asal ng menor de edad na estudyante.

Kasabay nito, umapela ang pamunuan ng Ateneo sa publiko na huwag ng ikalat sa social media ang video dahil nalalantad ang pagkatao ng mga sangkot sa video na pawang mga menor de edad.

Facebook Comments