Binatikos ng National Union of Students of the Philippines (NUSP) ang naging pahayag kahapon ni Senator Robin Padilla hinggil sa usapin ng bullying sa mga estudyante.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education, sinabi ni Padilla na okay lang ang slight physical bullying kaysa sa mental torture na aniya’y maituturing na seryosong uri ng harassment.
Pero giit ni NUSP President Jandeil Roperos, mali na i-normalize ang slight physical bullying dahil may epekto rin ito sa mental health ng isang tao.
Dahil din sa pahayag ng senador ay nangangamba ang grupo na maghari na kultura sa mga paaralan ang physical bullying lalo na’t niraratsada ngayon sa Kongreso ang panukalang Mandatory ROTC.
“Wag i-normalize ang physical torture kahit slight man yan wag sana natin lagyan ng degree na parang slight, merong medium, merong mas mahirap kasi kahit anong sabihin mo, torture pa rin yan, bullying pa rin yan at hindi tama na dumaan tayo sa physical torture para tayo ay maging matatag,” ani Roperos sa interview ng RMN-DZXL.
Sa halip, nanawagan si Roperos sa Department of Education at sa Commission on Higher Education na tiyaking napangangalagaan ang parehong mental at physical well-being ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng pagpapalakas ng mga grievance desk at guidance offices sa mga eskwelahan.