Bulok na gusali ng Philippine Film Heritage Building na kinontrata ng mga Discaya, isang pambabastos sa mga alagad ng sining — FL Liza Marcos

“Mahiya naman kayo.’’

Ito rin ang galit na mensahe ni First Lady Liza Araneta Marcos sa mga contractor ng kaniyang hindi natapos na proyekto na gusali ng Philippine Film Heritage Building na magiging tanggapan sana ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) sa Intramuros, Maynila.

Ayon kay FL Liza, dapat mahiya ang mga contractor sa pagbibigay ng isang gusaling puno ng depekto na imbes na magpugay, ay tila panghahamak pa sa kontribusyon ng mga alagad ng sining.

Giit pa ng First Lady, ang proyektong ito ay nasa higit P200 million na malaking kawalan ng dignidad para sa sining at kultura ng bansa dahil sa halip na maging tahanan ng dangal para sa mga filmmakers, writers, at artists, ay puno ito ng depekto.

Nariyan ang tumutulong tubig sa bubong, bitak na pader, hindi tapos na teatro, at kisameng may mantsa ng tubig kahit hindi pa opisyal na nabubuksan ang gusali.

Tinawag pa niya itong isang “bulok na monumento ng kapalpakan”, na sumasalamin sa kapabayaan ng mga responsable sa proyekto.

Ang Great Pacific Builders, na pag-aari ng pamilya Discaya, ang contractor ng proyekto.

Facebook Comments