Bulok na sistema ng edukasyon sa bansa, dapat matuldukan na ayon kay Pangulong Marcos

Dapat matuldukan na ang bulok na sistema ng edukasyon sa bansa.

Ito ang iginiit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA) kaugnay sa mga isyu ng sektor ng edukasyon.

Ayon kay Marcos, kailangang ayusin ang mga bulok na educational materials at supplies na ibinababa sa mga paaralan.


Kailangan tiyakin aniya na naibibigay sa mga kabataan ang pinakamahusay na mga kagamitan sa pag-aaral tulad ng internet connectivity at gadgets, dahil hindi dapat tipirin ang edukasyon ng mga kabataan.

Bukod dito, dapat makasabay rin ang edukasyon ng bansa sa international rankings lalo na sa Science, Technology, Engineering and Mathematics subjects, dahil ito ang mga kinakailangang ng mga kabataan upang makasabay sa makabagong panahon.

Kaugnay nito, tututukan din ng administrasyong Marcos ang pagbibigay ng mga refresher courses at training para sa mga guro upang makasabay ang mga ito sa pag-usbong ng makabagong teknolohiya.

Nabanggit din ni Pangulong Marcos na kailangan tugunan ang kakulangan sa mga classroom at school buildings gayundin ang muling pagsusuri sa K to 12 program at kung ano ang dapat na gamiting medium ng pagtuturo sa mga paaralan.

Samantala, muling iginiit ng pangulo na dapat nang ibalik ang full face-to-fcae classes sa bansa habang kinokonsidera ang ligtas at maayos na academic community para sa mga mag-aaral.

Facebook Comments