Bulto ng bakuna, dadating sa bansa simula 2nd quarter ng taon

Tiniyak ni National Task Force (NTF) Against COVID-19 Chief Implementer at Vaccine Czar Sec. Carlito Galvez Jr., na darating sa bansa ang maramihang suplay ng bakuna kontra COVID-19 simula sa susunod na buwan o 2nd quarter ng kasalukuyang taon.

Ayon kay Galvez, kabilang dito ang nalalabing donasyong bakuna mula sa COVAX Facility, ang isang milyong doses na biniling bakuna ng Pilipinas sa China na Sinovac gayundin ang paunang batch ng Novavax mula sa India.

Sa ngayon, ang mga donasyong Sinovac at unang batch ng AstraZeneca vaccines na mula sa COVAX Facility ang available na bakuna sa bansa kung saan prayoridad na mabakunahan ay ang mga medical frontliners.


Ani Galvez, sa oras na dumating ang bulto ng mga bakuna, mas mapapabilis o dadami na ang mga matuturukan ng COVID-19 vaccines.

Una nang sinabi ng NTF na target nilang mabakunahan ang nasa 50-70M mga Pilipino bago matapos ang taon upang makamit ang herd immunity.

Facebook Comments