Kinalampag ni Senator Christopher “Bong” Go ang Department of Energy (DOE) gayundin ang Energy Regulatory Commission (ERC) at iba pang kinauukulang ahensya ng pamahalaan.
Ito ay para aksyunan ang sangkaterbang reklamo laban sa umano’y hindi makatwirang electricity bills ng Manila Electric Co. (Meralco).
Ayon kay Go, hindi dapat balewalain ng Meralco ang bumabahang reklamo ng mga consumer kung saan dapat nitong ipaliwanag ng maayos ang pinagbasehan ng mataas na electricity bill na sumasaklaw sa mga buwan na umiiral ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) hanggang ngayong Hunyo.
Iginiit ni Go sa ERC na magsagawa ng imbestigasyon upang matiyak na tama at patas ang singil ng Meralco at kung naaayon sa batas ang patakarang sinusunod nito.
Pinapatiyak din ni Go na habang inaayos ang isyung ito, ay wala dapat maputulan ng kuryente.
Binigyang diin ni Go na kailangang pangalagaan ang interes at kapakanan ng mga ordinaryong Pilipino lalo na’t nahihirapan sa krisis na dulot ng COVID-19.