Bumabang approval ratings ni PBBM sa Pulse Asia survey, hindi ibig sabihin na hindi epektibo ang serbisyo-publiko ng pamahalaan ayon sa Malacañang

 

Nirerespeto ng Palasyo ng Malacañang ang paniniwala na ang mga survey ay sukatan ng opinyon ng publiko.

Pero ayon kay Executive Sec. Lucas Bersamin hindi basehan ng epektibong serbisyo publiko ang mataas na popularity ratings.

Pahayag ito ng Palasyo matapos lumabas sa Pulse Asia survey na bumaba ang approval at trust ratings ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa 48% ngayong November 23 – December 3, kumpara sa 50% noong September.


Paliwanag ni Bersamin, kaakibat ng tunay na pamumuno ang mga hakbang na tama subali’t hindi popular.

Pero ang bawat desisyon aniya ng ehekutibo ay interes ng publiko ang isinasaalang-alang at hindi ang mataas na ratings.

Giit pa ng kalihim, ang grado ng pamamahala ay hindi lang dapat nakabatay sa survey dahil kung ganito aniya ang magiging sistema ay mawawala sa focus ang mahahalagang sukatan gaya na lamang ng employment, na nagpapakita ng pag-usad ng bansa.

Kaya naman sa kabila nito, patuloy lang aniya ang mga ginagawa ni Pangulong Marcos na nakasentro sa mahalagang misyon nitong iangat ang buhay ng mga Pilipino, palaguin ang ekonomiya at makamtan ang magandang bukas para sa Pilipinas.

Facebook Comments