Manila, Philippines – Nag-ikot si Health Secretary Francisco Duque III ngayong araw sa iba’t ibang evacuation centers sa Metro Manila.
Una niyang binisita ang Barangay Bagong Silangan sa Quezon City.
Personal na inalam ng kalihim ang sitwasyon ng mga inilikas na residente matapos na umapaw ang Tumana River dahil sa malakas na ulang dala ng habagat at Bagyong Karding.
Nag lecture pa si Duque sa mga bakwit hinggil tamang ‘hygiene’ at pangangalaga sa kalusugan ngayong tag-ulan lalo pa’t karaniwan na ang sakit na dengue at leptospirosis sa ganitong panahon.
Nagbigay pa ang DOH chief sa health center ng barangay ng mga karagdagang hygiene kits, mga gamot laban sa leptospirosis, lagnat at diarrhea.
Ayon kay Nurse III Lorna Lambino ng QC Health Department, maayos naman ang kalagayan ng mga evacuees at walang problema sa pagkakasakit ng mga ito.
Gayunpaman malaking tulong aniya ang mga gamot na ibinigay ng Health Department dahil posibleng hindi tumagal ang kanilang stock dahil inaasahan na tatagal pa ang mga bakwit sa temporary shelters.
Mula sa mahigit tatlong-libong inilikas na residente, bumaba na ngayon sa 432 na pamilya o 1,594 na indibidwal ang nasa evacuation center ng Barangay Bagong Silangan.