Manila, Philippines – “Huwag na tayong mag-bolahan.”
Ito ang sagot ni Laban Konsyumer President Atty. Vic Dimagiba matapos sabihin ng Department of Trade and Industry (DTI) na tama lang na pinagbigyan nila ang hirit na dagdag-presyo ng mga manufacturer sa bagong Suggested Retail Price (SRP) na inilabas noong Setyembre a-uno.
Ayon kay Dimagiba, nag-anunsyo na lang din naman ng price freeze ang DTI, dapat ay hindi na nito pinagbigyan ang hiling na dagdag-presyo ng mga manufacturer.
Kung hindi pa nga raw nila ito binusisi ay hindi malalaman ng mga konsyumer na may pagmahal na naman sa presyo ng mga bilihin.
Hindi rin naniniwala si Dimagiba na maliit lang ang epekto ng TRAIN 1 sa sunud-sunod na taas-presyo sa mga bilihin.
Base sa pag-aaral ng Laban Konsyumer, 70 percent ng mga produkto ang nagtaas ng presyo mula nang ipatupad ang TRAIN Law noong Enero.
Bukod sa 3-month price freeze na napagkasunduan ng DTI at mga manufacturer naghain na rin ng petisyon ang grupo para hilingin sa DTI na magpatupad ng price moratorium hanggang sa katapusan ng first quarter ng 2019.