Manila, Philippines Binuweltahan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana si Human Rights lawyer Neri Colmenares na huwag gamitin ang nangyaring Sagay Negros Occidental massacre para sa kanyang kampanya.
Ito ay matapos na isisi ni Colmenares sa gobyerno ang nangyaring pamamaril at pagpatay sa 9 na magsasakang miyembro ng NFSW o National Federation of Sugar Workers sa bayan ng Sagay, Lalawigan ng Negros Occidental nitong nakalipas na Sabado ng gabi.
Ayon kay Lorenzana ang agarang paninisi sa gobyerno ni colmenares at ng kanyang partido ay pagpapakita lang kung gaano sila ka desperado na siraan ang Pangulo para makuha ang atensyon ng publiko.
Dagdag pa nito na bilang isang abogado ay dapat ay alam ni Colmenares na hindi makatarungan na magbibintang nang walang pruweba.
Aniya may ongoing investigation na kaya dapat ay tumigil muna sa pagbibigay ng anumang pahayag hanggang sa lumabas na ang resulta ng imbestigasyon.
Malinaw aniya na nais lang samantalahin ni Colmenares ang pagkamatay ng mga magsasaka para isulong ang kanyang politikal na ambisyon.
Si Colmenares na dating Bayan muna party list representative ay tumatakbo sa 2019 elections bilang opposition senator sa ilalim ng Makabayan block.