Manila, Philippines – Insulto at nakakagalit ang pinalulutang ngayon pa lamang ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP) na malamang na P20 lamang ang katanggap-tanggap sa kanila na dagdag pasahod sa Metro Manila.
Ito ang inisyal na resulta ng consultation sa pagitan ng mga negosyate, mga amo at labor groups kaugnay sa pagdinig ng Regional Tripartite Productivity and Wages Board-National Capital Region (NCR) sa petisyon para sa P344 wage increase.
Ayon kay Associated Labor Unions-TUCP spokesperson Alan Tanjusay, nakita nila kung gaano ka manhid at iresponsable ang ECOP dahil nagbubulag bulagan ito sa ekstraordinaryong paghihirap ng mga maliliit na manggagawa partikular ang mga nasa mahihirap na komunidad .
Sa gitna ng sumisirit na implasyon at kawalan pa rin ng kongkretong hakbang ng gobyerno, hindi makakatulong ang pagbibitiw ng ganitong pahayag ng ECOP.
Ipinapakita lamang ng malalaking negosyate ang kanilang pagka ganid dahil unang pinoprotektahan ang kanilang mga tubo.
Pinaghahanda ng ALU-TUCP ang mga manggagawa sa mas pinakamatinding sitwasyon ngayong maaga pa lamang ay ipinapakita na ng mga amo ang tunay nilang intensyon.