Manila, Philippines – Kinontra ng Palasyo ng Malacañang ang naging pahayag ni dating Lead Convenor ng National Anti-Poverty Commission o NAPC na iligal ang ginawag paglipat ni Pangulong Rodrigo Duterte sa NAPC mula sa pangangasiwa ng Office of the President patungo sa Department of Social Welfare and Development o DSWD.
Sinabi kasi ni Maza na ang NAPC ay nabuo sa bisa ng Republic Act number 8425 at orihinal na nasa ilalim ng tanggapan ng Pangulo at hindi ito maaaring ilipat sa pamamagitan lamang ng isang Executive Order (EO).
Matatandaan na naglabas si Pangulong Duterte ng EO number 67 na nag rere-organize ng ilang tanggapan ng Pamahalaan kung saan nakasama ang NAPC sa mga nailipat ang pamamahala.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, walang basehan ang sinasabi ni Maza kontra sa inilabas na kautusan ng Pangulo.
Paliwanag ni Panelo, malinaw na nakasaad sa saligang batas na mayroong kontrol ang Pangulo ng bansa sa lahat ng department, bureaus at iba pang tanggapan ng Pamahalaan sa ilalim ng executive department kaya mayroon itong kapangyarihang ire-organize ang mga ito.
Base rin aniya sa Section 31 ng Administrative Code ay may authority ang Pangulo na magsagawa ng regudon sa lahat ng tanggapan ng pamahalaan na nasa ilalim ng kanyang kapangyarihan.
Pinayuhan nalang ni Panelo si Maza na bago magsalita at kumontra sa mga ginagawa ng Pangulo ay kumonsulta muna ito sa mga abogado.
Tiniyak din naman ni Panelo na sinusunod ng administrasyon ang lahat ng umiiral na batas para sa sambayanang Pilipino.