Buntis na binaril sa tiyan, kinasuhan sa pagkamatay ng sanggol

COURTESY: JEFFERSON COUNTY JAIL

Sinampahan ng kasong pagpatay ang isang babae sa Alabama matapos barilin sa tiyan at mamatay ang ipinagbubuntis nitong sanggol.

Limang buwang buntis si Marshae Jones, 27, nang barilin ng isang babaeng nakaaway nito noong December.

Anim na buwan ang nakalipas, nito lamang Miyerkules, kinasuhan ng pagpatay si Jones ng isang Jefferson county grand jury at inaasahang mananatili sa kulungan na may piyansang $50,000.


Bagama’t hindi si Jones ang nagpaputok ng baril na pumatay sa kaniyang dinadala, iginiit ng awtoridad na sinimulan niya ang alitan na nauwi sa barilan.

Naunang kinasuhan ang 23-anyos na si Ebony Jemison na bumaril kay Jones, ngunit pinalaya rin nang hindi isakdal ng grand jury.

“It was the mother of the child who initiated and continued the fight which resulted in the death of her own unborn baby,” sabi ni Pleasant Grove police Lt. Danny Reid, sa ulat ng AL.com.

Self-defense lamang daw ang ginawa ni Jemison, kaya hindi aniya maituturing na biktima si Jones at tanging ang sanggol lamang ang biktima sa nangyari.

Binatikos naman ng mga pro-choice group o abortion advocates ang naging desisyon ng grand jury.

Patunay lamang daw ito na ang mas pinahigpit na batas ng estado sa abortion ay ginagamit laban sa mga buntis.

Nakaraang buwan lang nang maipasa sa Alabama ang pagbabawal sa abortion sa kahit anong paraan o pagkakataon, kabilang ang rape at incest.

Facebook Comments