Buntis, patay matapos masabugan ng IED na pinasabog ng BIFF sa Maguindanao

Patay isang buntis matapos tamaan ng pinasabog na Improvised Explosive Device (IED) ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Barangay Pusao, Shariff Saydona, Maguindanao kagabi.

Ayon kay 6th Infantry Division Spokesperson Lt. Col. Dingdong Atillano, alas 10:20 kagabi nang magsagawa sila ng fire mission target ang Barangay Kabinayan sakop ng Datu Salibo, Maguindanao dahil sa impormasyong may presensya ng BIFF sa isang sitio sa barangay.

Aniya, alas-10:30 ay natapos na ang kanilang fire mission pero makalipas ang ilang minuto ay nakarinig sila ng pagsabog sa bahagi ng Barangay Pusao.


Natukoy nila na sa pagsabog ng IED ay nasawi ang isang buntis na kinilalang si Arabiya Dumana, 35 anyos.

Sinabi ni Atillano na posibleng lumabas ng bahay ang biktima para gumamit ng comfort room na sakto namang ang pagpapasabog ng IED ng BIFF kaya sya tinamaan at namatay.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang pagtugis ng militar sa BIFF partikular sa grupo ni Commander Motorola na may 20 miyembro.

Facebook Comments