Iginiit ni Senator Risa Hontiveros sa National Task Force (NTF) Against COVID-19 na maglabas ng transparency report ukol sa pagbabakuna sa ilang cabinet officials, mga sundalo at mga miyembro ng Presidential Security Group (PSG).
Diin ni Hontiveros, para magkaroon ng tiwala ang publiko sa gobyerno at sa vaccination program ay dapat sagutin ng gobyerno ng detalyado ang napakaraming tanong ng taumbayan hinggil dito.
Ayon kay Hontiveros, dapat malaman ng publiko kung ano ang totoong kwento sa likod ng ‘secret vaccination’ na ito, sino ang pasimuno o nag-utos at sino ang supplier?
Nais ding malaman ni Hontiveros kung ang taumbayan ba ang nagbayad para sa ilegal na vaccination na ito na posibleng may bahid din ng korapsyon.
Binanggit din ni Hontiveros na mali na hindi pa otorisado ng Food and Drug Administration (FDA) COVID-19 vaccine na kanilang ginamit kaya hindi garantisado ang kaligtasan nito.
Si Senator Leila de Lima ay nagtatanong din kung sino-sino ang mga nabakunahan na at bakit sila naging prayoridad kahit may nalabag na polisya at batas.
Diin pa ni de Lima, seryosong usapin ito kaya bukod sa full disclosure of facts ay dapat ding may managot.