Manila, Philippines – Nanawagan si Senator Risa Hontiveros sa Malakanyang na ipaliwanag at isapubliko ang buong detalye ng verbal agreement sa pagitan nina Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping.
Kaugnay ito sa umano’y kalayaan sa pangingisda ng mga Chinese sa Exclusive Economic Zone o EEZ ng bansa.
Katwiran ni Hontiveros, mahalagang malaman ng mamamayan kung ang nabanggit na verbal agreement ay bahagi ng opisyal na foreign policy na sinusunod ng pamahalaan sa pagharap sa China at sa mga isyu kaugnay sa West Philippine Sea (WPS).
Una nang iginiit ni Hontiveros na walang bisa at hindi maaring pairalin ang nasabing kasunduan dahil hindi pwedeng mangibabaw ang salita lamang sa ating konstitusyon.
Diin ni Hontiveros, maliwanag ang sinasaad ng saligang batas na ang Pilipinas ay sa Pilipinas, kaya ang EEZ ng bansa ay para lamang sa mga Pilipino.