Itinutulak ni Senior Citizens Partylist Representative Rodolfo Ordanes na bigyan na ng libreng dialysis ang mga senior citizen ng bansa.
Sa House Bill 7859 na inihain ng kongresista, isinusulong nito na magkaroon ng buong reimbursement sa mga ospital ang gagawing dialysis, laboratory procedures at supplies sa kada session ng isang senior citizen.
Pinababalik din ni Ordanes sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang dialysis program at ipinasasalo sa state health insurer ang buong treatment na katumbas ng 144 sessions para sa mga matatandang pasyente.
Sa kasalukuyan kasi ay 90 sessions lamang ang orihinal na sagot ng PhilHealth at ang nalalabing 54 sessions ay kailangan nang bayaran ng pasyente.
Dahil hindi sagot ng PhilHealth ang nalalabing dialysis sessions ay kailangang gumastos ng isang senior citizen patient ng P135,000 at mahirap ito para sa mga naghihikahos na lolo at lola.