Buong Luzon cluster ng DSWD, naka-antabay para sa posibleng tulong na kakailanganin ng mga lugar na apektado ng bagyo

Nakatutok ngayon ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Region 2 na nakararanas ng matinding pananalasa ng bagyo.

Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni DSWD Secretary Erwin Tulfo na inalerto niya na ang kanilang tanggapan sa Region 1 at 2 maging sa Cordillera Administrative Region (CAR).

Bahagi aniya ito ng tinatawag na clustering na kung saan, ipinatutupad dito ang pagtutulungan ng kanilang regional offices para umalalay sa isang rehiyon na kailangan ng reinforcement.


Ang Region 3, dagdag ni Tulfo ay naka-stand by na rin at nakahandang umakyat sa mga naapektuhan para tumulong sa paghahatid ng kailangang pagkain at iba pang pangangailangan sa mga apektado kung kinakailangan.

Maging ang kanilang National Response Operation Center warehouse sa Pasay ay naka-alerto rin habang tiniyak ng kalihim na may naka-standby ng food packs sa mga rehiyong apektado ng bagyo.

Mayroon din aniya silang P20 hanggang P25 million na assistance para sa individuals in crisis sa may bahagi ng Ilocos Region na kanilang naihanda.

Facebook Comments