Kinalampag ni Bayan Muna Representative Eufemia Cullamat ang gobyerno at ang Kongreso na tanggalin na ang batas militar sa buong Mindanao.
Ang panawagan ay kasunod na rin ng hiling ni Davao City Mayor Sara Duterte sa Senado, Kamara at DND na i-exempt ang Davao City sa ilalim ng martial law.
Giit dito ni Cullamat, makabubuting alisin ang martial law sa buong Mindanao at hindi lamang sa mga piling lugar.
Aniya, ang mga Moro at Lumad ang higit na apektado ng mga paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng batas militar.
Nais na nilang tapusin ang batas militar sa rehiyon upang matigil na ang mga pang-aabuso ng mga militar, pagsira at pwersahang pagpapalayas sa kanilang mga lupain, gayundin ang pag-atake sa mga eskwelahan.
Dahil dito, agad nilang hinihiling ang pag-lift ng martial law sa Mindanao dahil hindi naman talaga nito nasolusyunan ang ugat ng problema sa extremism at terorismo sa bansa.