Nananawagan ang grupong Nagkakaisang Samahan ng Nangangasiwa ng Panlalawigang Bus sa Pilipinas na ipatupad na ang full operation sa mga provincial bus sa bansa.
Ang panawagang ito ay kasunod na rin ng nalalapit na Kapaskuhan.
Ayon sa pinuno ng grupo na si Vincent Rondaris, tila nakalimutan na ng gobyerno ang kanilang sektor matapos ang pagluluwag ng restriksyon sa bansa.
Aniya, nasa tatlo hanggang walong porsiyento lang kasi sa kanilang grupo ang kasalukuyang nakakabiyahe.
Maliban dito, humiling din sila na sana ay pribadong terminal ang ipaggamit para mas makontrol nila ang dagsa ng pasahero.
Kaugnay nito, inihayag ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board na bagama’t bukas na ang lahat ng ruta para sa provincial buses ay limitadong units lamang ang kanilang pinapayagan alinsunod na rin sa requirements ng mga lokal na pamahalaan.