Idineklara ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan ang state of calamity kahapon, Nobyembre 11, 2025, matapos tamaan ng Super Typhoon Uwan ang buong lalawigan.

Ayon sa ulat ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), apektado ang 59,197 pamilya o katumbas ng 233,232 indibidwal, habang patuloy ang power interruption at mahinang koneksyon sa internet sa ilang bayan.

Tinukoy ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) Ilocos ang Pangasinan bilang ‘hardest-hit area’ sa rehiyon.

Batay sa pinakahuling Pangasinan Situation kahapon, 42 LGUs ang nagsagawa ng pre-emptive evacuation na may kabuuang 7,278 pamilya o 23,866 katao.

Samantala, 33 bayan at dalawang lungsod ang naapektuhan ng pagkawala ng kuryente, at patuloy ang restoration efforts.

Nananatiling normal ang lebel ng mga ilog sa lalawigan, at ang San Roque Dam ay nasa 277.83 meters above sea level, nasa loob pa ng safe level at walang nakabukas na spillway gate.

Umabot sa 3,411 kabahayan ang nasira dahil sa bagyo, 3,062 ang partially damaged at 349 ang totally damaged.

Walang namang naiulat na nasawi.

Bumababa na rin ang tubig sa coastal areas ng Lingayen at San Fabian, habang nagpapatuloy ang clearing operations at power restoration sa mga apektadong lugar.

Tiniyak ng PDRRMO, katuwang ang PNP, PCG, AFP, at mga LGU, na tuloy-tuloy ang pagbibigay ng tulong, pagsubaybay, at koordinasyon upang masiguro ang kaligtasan at mabilis na pagbangon ng mga residente mula sa pinsalang iniwan ng Bagyong Uwan

Facebook Comments