Buong Siyudad ng Tuguegarao, Hindi Isasailalim sa Total Lockdown

78

Cauayan City, Isabela- Hindi na isasailalim sa total lockdown ang buong Lungsod ng Tuguegarao na nakatakda sana sa darating na Biyernes, Oktubre 9 hanggang 11 ng taong kasalukuyan.

Ayon kay Tuguegarao City Mayor Jefferson Soriano, nakumbinsi nito ang mayorya sa City Council na iurong na muna ang resolusyon na pagsasailalim sa lockdown sa mga nasabing araw dahil sa mataas na bilang ng COVID-19 Positive sa siyudad.

Pero, iginiit ng alkalde na bagamat hindi na matutuloy ang planong lockdown ay hindi ito mangingimi na isailalim sa total lockdown o Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang buong siyudad kung dadami pa ang local at community transmission habang nasa ilalim ng MECQ ang lungsod.

Oras aniya na dumami pa ang bilang ng kaso ng COVID-19 ay isasailalim sa pito (7) hanggang sampung (10) araw na total lockdown ang Tuguegarao.

Hiniling naman ng alkalde sa mamamayan ng Tuguegarao na huwag nang lumabag sa mga pinaiiral na regulasyon habang nasa MECQ ang kalunsuran.

Sa ngayon ay patuloy na sumasailalim sa MECQ ang Tuguegarao na magtatapos hanggang ika-16 ng Oktubre.

Samantala, base sa huling datos ng DOH 2, mayroong 80 na aktibong kaso ng Covid-19 ang Lungsod ng Tuguegarao at kabilang din ito sa mga lugar sa rehiyon dos na may Community transmission ng nasabing virus.




Facebook Comments