
Tuluyan nang dinisolve ni National Bureau of Investigation (NBI) Director retired judge Jaime Santiago ang buong Special Task Force Unit (STF).
Kabilang sa mga inalis sa pwesto ang 13 mga operatiba nito at ang hepe ng STF ay inalis din sa pwesto dahil sa usapin ng command responsibility.
Ayon kay Santiago, pinaiimbestigahan niya ang buong STF sa Internal Affairs Division ng NBI bunga ng kwestionableng operasyon laban sa 9 na mga Chinese nationals sa isang resort sa Malolos, Bulacan na iniuugnay sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) operation.
Hindi nagustuhan ni Santiago ang ginawang raid ng grupo kung saan maling address ang ginamit sa search warrant sa Sta. Rita, Bulacan.
Habang ang address ng sinalakay ay Ligas, Malolos Bulacan dahilan para mateknikal at maibasura ang reklamo sa piskalya dahil sa usapin ng hurisdiksyion .
Bukod dito, nakarating din kay Director Santiago na maging ang mga personal na gamit ay tinangay ng ilang tauhan ng STF.
Nilinaw din ni Santiago na maging ang mga tauhan ng STF na hindi kasama sa operasyon ay isinama na niya sa mga iniimbestigahan.
Inatasan din sila ni Santiago na isauli ang mga personal na gamit ng mga Chinese nationals kabilang ang mga relo at iba pa.
Ang mga operatiba ng STF ay inilipat sa iba’t ibang mga unit ng NBI at ang iba ay itinalaga sa ibang rehiyon.
Makikipagpulong din si Santiago kay Atty. Hanz Darryl Tiu, abogado ng mga Chinese nationals sa Huwebes, Agosto 7 upang hilingin na maisapormal ang mga reklamo laban sa mga ahente ng STF.
Nanatili naman sa detention facility ng NBI ang 9 na Chinese nationals dahil sa hiwalay na kaso sa Bureau of Immigration (BI).









