Buong suporta sa direktiba ni PBBM na palakihin ang pondo ng mga LGU, tiniyak ng Kamara

Tiniyak ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang buong suporta ng House of Representatives sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na palakihin ang pondo ng mga local government units (LGUs).

Inihayag ito ni Romualdez sa kanyang pagdalo sa general assembly ng League of Municipalities of the Philippines (LMP) na ginanap sa Marriott Hotel, Pasay City.

Ayon kay Romualdez, utos ni Pangulong Marcos na gawin lahat ang nararapat at kailangan para makinabang ang mga komunidad sa pag-unlad ng buong bansa.


Bunsod nito ay sinabi ni Romualdez na ang Kamara ay maglalaan ng mas malaking pondo sa LGU bilang pagkilala sa Mandanas ruling ng Korte Suprema, na nagpapalaki sa bahagi ng mga lokal na pamahalaan mula sa pambansang buwis.

Diin ni Romualdez, ang mas malaking pondo ay makakatulong sa mga LGU sa paglalaan ng pondo sa mga kinakailangang proyekto para sa pag-unlad na mahalaga sa isinusulong ng Sustainable Development Goals o SDG.

Ang SDG ay ang 17 global goals na itinakda ng mga bansang kasapi ng United Nations bilang roadmap sa pagpapanatili sa mundong ang lahat ay maaring mamuhay sa kapayapaan, kasaganaan at may karangalan.

Facebook Comments