Pinuri ni Cagayan de Oro City 2nd District Rep. Rufus Rodriguez ang paglalagay ng Philippine Coast Guard o PCG ng limang navigational buoys o boya na may watawat ng Pilipinas para igiit ang soberenya ng Pilipinas sa mga islets, reefs at shoals sa West Philippine Sea (WPS) na inaangkin ng China.
Bunsod nito ay inirekomenda ni Rodriguez sa PCG na dagdagan ang navigation markers o mga boya para mabakuran ang buong WPS na sakop ng 200 nautical miles Exclusive Economic Zone o EEZ ng Pilipinas base sa international law.
Ayon kay Rodriguez, dapat lagyan ng PCG ng mga boya ang buong WPS mula hilagang bahagi ng bansa sa Ilocos Region hanggang sa parteng timog sa Palawan area na siyang saklaw ng bahagi ng karagatan na sakop ng Pilipinas.
Diin ni Rodriguez, ang mga marker na ito ay magsisilbing babala sa China at iba pang mga bansa na umaangkin sa mga teritoryo ng ating bansa.
Sabi ni Rodriguez, bukod sa Spratly Islands ay dapat lagyan din ng mga boya ang Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal, na nasa 120 miles mula sa Zambales at Pangasinan at “traditional fishing ground” ng mga mangingisdang Pilipino.
Binanggit ni Rodriguez na pwede ring humingi ng tulong ang PCG sa Philippine Navy sa paglalagay ng mga boya sa WPS.
Kaugnay nito ay pinayuhan ni Rodriguez ang PCG na isama sa budget proposal nito sa Department of Budget at Management at sa Kongreso ang pambili ng mas maraming boya.
#######