Bureau of Animal Industry, nasermunan sa pagdinig ng Senado patungkol sa bakuna kontra ASF

Sermon agad ang inabot ng Bureau of Animal Industry (BAI) kay Senator Cynthia Villar dahil sa pag-i-import at paggamit ng mga bakuna laban sa African Swine Fever (ASF) mula Vietnam na hindi pa naaaprubahan.

Sa joint hearing ng Senate on Agriculture, Food and Agrarian Reform at Ways and Means, sinita ni Villar ang BAI dahil June 2, 2023 pa lang ay tapos na ang kanilang field trial sa ASF vaccine gayong July 2 lang ito inaprubahan ng Vietnam.

Bukod dito, nito lang June 23, 2023 lang nai-grant ng Food and Drug Administration (FDA) ang special import permit para sa bakuna laban sa ASF kaya naman nagtataka ang senadora papaanong natapos na agad ang trial ng BAI.


Katwiran dito ni BAI Assistant Director Arlene Vytiaco, safety trial ang isinagawa ng BAI at ang efficacy trial ay ginawa sa anim na farms sa Luzon.

Sinabi rin ni Villar sa pagdinig na mayroon siyang impormasyon na Vytiaco si ay may kamag-anak na supplier ng bakuna na siya namang mariing itinatanggi ng opisyal.

Giit ni Villar, hindi dapat ginagawa ito lalo’t nakakahiya na nauna pa ang bansa kaysa sa approval ng Vietnam na gumawa ng bakuna.

Dismayado pang sinabi ng senadora na tayo na ang pinaka walang alam sa lahat, malayo aniya noong 1950s kung saan ang Pilipinas ang ‘the best’ pagdating sa agrikultura pero ngayon tayo ay napag-iiwanan na ng lahat.

Facebook Comments