Nakumpiska ng Bureau of Customs (BOC) ang nasa 25 milyong pisong halaga ng smuggled ng iba’t ibang uri ng mga gamot sa isang storage facility sa Pasay City.
Sa inilabas na ulat ng BOC, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa nasabing kargamento kaya’t agad na kumilos ang Port’s Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) para puntahan ang storage facility sa hindi pa nabanggit na lugar sa Pasay.
Dito na nadiskubre ang iba’t ibang uri ng German medicines na karamihan ay hinihinalang iligal na nakapasok sa bansa.
Ang mga naturang gamot ay para sa mga may coronary circulatory disorder, sexual enhancement liver diseases at sa mga may problema sa kanilang cholesterol level.
Napag-alaman ng Customs na ang mga gamot na ito ay walang kaukulang import permit kaya’t agad itong kinumpiska.
Hindi pa naman binabanggit ng Customs kung sino ang consignee nito at kung saan nagmula ang shipment.