Manila, Philippines – Pinaaalisan ni House Deputy Speaker Miro Quimbo ng pondo ang Bureau of Customs sa susunod na taon.
Ito ay matapos malusutan ng malaking bulto ng iligal na droga ang BOC na aabot sa 6 na bilyong piso.
Sa pagdinig ng House Committee on Ways and Means, hindi kuntento ang Kamara sa naging trabaho ng BOC na pinopondohan ng gobyerno pero nalulusutan ng mga kontrabando.
Sinegundahan naman ni House Majority Leader Rodolfo Fariñas ang hiling na bigyan ng zero budget ang BOC.
Bukod dito, mas lalong nagalit ang mga mambabatas matapos tawagin ng tagapagsalita ng BOC na si Mandy Mercado Anderson na imbecile o istupido si Speaker Pantaleon Alvarez sa balitang ipapabuwag ng speaker ang Court of Appeals.
Sa kanyang facebook post, bukod sa pagtawag na imbecile kay Speaker ay sinabi pa nito na wala na bang ibang kongresista ang pwedeng maging Speaker dahil nakakahiya na ito.
Binantaan ni Fariñas si Anderson na pwede nila itong ireklamo sa Office of the Ombudsman dahil ang ginawa nito ay paglabag sa code of ethics.
Sa huli ay nag-sorry naman si Anderson sa mga kongresista ngunit hindi direkta kay Speaker Alvarez.