Tiniyak ng Bureau of Customs (BOC) sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na ipagpapatuloy ang maayos at mabilis na pagpoproseso sa mga dumarating na bakuna laban sa COVID-19 gayundin ang mga medical supplies na kailangan para sa pantugon sa pandemya.
Ito ay para matiyak ang sapat na suplay sa bansa ng mga kinakailangang bakuna at kagamitan laban sa sakit na COVID-19.
Sa pagdinig ng House Committee on Ways and Means, iniulat ni Customs Commissioner Rey Guerrero na mula noong 2021 hanggang sa unang bahagi ng 2022 ay aabot sa 223 million doses ng COVID-19 vaccines ang dumating sa ating bansa o katumbas ng 337 shipments na dumaan sa kinakailangang proseso ng BOC.
Mabilis naman aniyang nailabas ang mga bakuna upang agad na mapakinabangan para sa COVID-19 vaccination sa iba’t ibang panig ng bansa.
Samantala, inulat din ni Guerrero sa Kamara na mula noong March 2020 hanggang February 2022, nasa kabuuang 16,106 ang shipments para sa mga personal protective equipment (PPE) at iba pang medical supplies na panlaban sa COVID-19 pandemic.