Ipinaalala ng Bureau of Immigration (BI) na bawal pa ring lumabas ng Pilipinas ang mga Pinoy na nagbabalak bumiyahe sa ibang bansa bilang turista.
Ayon kay BI Port Operations Acting Chief Grifton Medina, ang kanilang paalala ay kasunod ng pagkakaharang sa anim na Pinoy na nagbalak na bumiyahe sa Cambodia sa pamamagitan ng chartered flight mula Ninoy Aquino International Airport (NAIA) para sa umano’y business meeting hinggil sa shrimp farming.
Sinabi naman ni Immigration Commissioner Jaime Morente na mahigpit pa ring ipinagbabawal na lumabas ng bansa ang mga Pilipino maliban na lamang kung sila ay Overseas Filipino Workers (OFWs) at mga may hawak ng Study VISA o permanent resident sa mga bansang kanilang pupuntahan.
Hinimok naman ni Medina ang publiko na hintaying alisin ng pamahalaan ang travel restrictions lalo na’t pansamantala lamang naman ito.
Iginiit pa ng Immigration na ang hakbang na ginagawa ng pamahalaan ay para maprotektahan ang lahat sa banta ng COVID-19.
Matatandaan na sa darating na Miyerkules, July 8, 2020, magbabalik operasyon na ang international flight sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 ngunit pawang mga na-stranded lamang na foreign national ang pinapayagan makalabas ng bansa.