Muling binalaan ng Bureau of Immigration (BI) ang publiko hinggil sa mga sindikato na namemeke ng mga dokumento para makapag-trabaho sa ibang bansa ang ilang indibidwal na wala pa sa tamang edad.
Ito’y kasunod na pagkaka-harangg nila sa dalawang babae na pineke ang mga edad para makapunta ng Middle East upang makapag-trabaho.
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, ang ganitong uri ng iligal na gawain ay patuloy na nangyayari kung saan ang mga sindikato na ang gumagawa ng mga pekengg dokumento para makaalis ng bansa ang isang indibidwal.
Panawagan ni Morente sa publiko partikular ang mga underage na huwag na sanang tangkilikin ang ganitong uri ng iligal na gawain dahil siguradong hindi makakalusot at malalaman ito ng Travel Control and Enforcement Unit (TCEU) ng Bureau of Immigration na nakatalaga sa mga paliparan.
Nabatid na dalawang kababaihan ang naharang ng mga tauhan ng Immigration noong nakaraang araw kung saan ang isa ay mula sa Sultan Kudarat na naglabas ng dokumento na 27-anyos na pero napag-alaman na 21-anyos pa lamang ito base sa nadiskubreng records.
Ang isa namang babae ay mula sa Pikit, Cotabato na nagpakita ng dokumento na 26-anyos pero 19-anyos pa lamang na malinaw na hindi pasok sa minimum age requirement para makapag-trabaho sa Middle East na 23-anyos.
Ang dalawang biktima ay kasalukuyang nasa pangangalaga na ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) kung saan nakatakda na rin papanagutin at kasuhan ng mga otoridad ang kanilang recruiters.