Bureau of Immigration, nagbabala laban sa mga pekeng overseas employment certificate

Naglipana na naman ang mga gumagamit ng pekeng overseas employment certificates.

Ayon kay Bureau of Immigration (BI) Deputy Spokesman Melvin Mabulac, sa kabila ng pagkakaroon ng Department of Migrant Workers (DMW) ng border control information kung saan ay nasa sistema ng BI ang certificate ng mga manggagawang aalis sa bansa, mayroon pa ring gumagamit ng mga pekeng dokumento.

Aniya, ang border control information ay isa sa mga bagong paraan para mas maging madali at mabilis ang pagproseso sa dokumento ng mga overseas worker.


Batay sa kanilang imbestigasyon, karamihan ng mga gumagamit ng pekeng certificate ay mga na-recruit lamang sa social media at hindi dumaan sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at DMW.

Gayunpaman, naniniwala si Mabulac na mapapababa ang bilang ng mga overseas worker na gagamit ng pekeng employment documents dahil tuloy-tuloy ang koordinasyon ng BI sa DMW para mas mapaigting ang kanilang pagbabantay laban dito.

Facebook Comments