Bureau of Immigration, nagbabala sa bagong modus ng mga kawatan na pag-aalok ng fake entry passes online

Target ng mga nagpapanggap na tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang mga foreigner na gustong makapasok ng Pilipinas.

Ito ay dahil nananatiling ipinagbabawal ang pagpasok ng mga banyaga sa bansa, maliban na lamang sa mga foreigner na mayroong valid visa tulad ng mga nag-aaral at nagtatrabaho sa Pilipinas, diplomats at mga permanent resident na.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Bureau of Immigration Spokesperson Dana Krizia Sandoval na nakakuha sila ng tip at kanila na ngayong iniimbestigahan ang pag-aalok ng mga kawatan ng fixing services tulad ng entry documents, entry exemption documents at iba pang immigration services.


Ani Sandoval, nagpapakilala ang mga ito bilang kawani ng BI online, kapag nakuha na ang pera ay bigla na lamang maglalaho.

Paalala nito, ang tanging nag-iisyu ng entry permit at entry exemption document ay embahada lamang at hindi ang BI.

Kasunod nito nangako ang ahensya na hahabulin ang mga kawatan at papanagutin ang mga ito sa ilalim ng ating batas.

Facebook Comments