Naghahanda na ang Bureau of Immigration (BI) sa kanilang pagbabalik-operasyon sa sandaling alisin na ang implementasyon ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa.
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, mahigpit nilang ipatutupad ang bagong health protocols sa kanilang main office sa Intramuros, Maynila, at sa lahat ng kanilang mga satellite at extension office sa iba’t ibang panig ng bansa sa sandaling isailalim na sa General Community Quarantine (GCQ) ang National Capital Region (NCR).
Sa harap naman ng patuloy na banta ng COVID-19, sinabi ng Immigration na magpapatuloy ang ilang work arrangements para makasunod pa rin sa tamang physical distancing at maiwasan ang siksikan sa kanilang trabaho.
Ayon naman sa Immigration COVID-19 Task Force, magiging depende sa requirement ng bawat opisina o dibisyon ng BI ang magiging dami ng tao sa kanilang workplace.
Magpapatupad aniya sila ng flexible working arrangements at mahigpit na ipatutupad ang pagsusuot ng face masks, at pag-obserba sa physical distancing.
Plano rin ng BI na ipatupad ang staggered working hours, mayroong magsisilbing skeleton force, four-day work week at work-from-home arrangements sa mga empleyado na mga senior na o mayroong underlying medical conditions.
Una nang nagsuspinde ang BI ng dalawang buwan sa kanilang operasyon sa ilang mga tanggapan nito matapos isailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang Metro Manila dahil sa COVID-19 pandemic.