Naghahanda na ang Bureau of Immigration (BI) sa inaasahang influx ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) mula sa Middle East na maaaring ilikas sa harap ng tensyon sa pagitan ng Iran at Amerika.
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, inatasan na niya ang lahat ng BI personnel sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at iba pang international ports sa bansa na maghanda.
Sinabi pa ni Morente na kung kinakailangan, handa rin ang BI na mag-deploy ng karagdagan pang tauhan sa NAIA.
Kaugnay nito, naglabas naman ng memorandum si BI Port Operations Division Chief Grifton Medina na pinapayuhan ang lahat ng BI airport personnel na maghanda sa posibleng mass repatriation ng mga Pinoy.
Mahigpit rin ang bilin ni Medina na dapat tiyaking may mga nakatao sa lahat ng terminal para matiyak ang maayos na pagproseso sa mga pabalik na OFW sa bansa.