Handa na ang Bureau of Immigration (BI) na ipatupad ang resolusyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na nagbabawal sa lahat ng mga flights na pumasok sa bansa mula sa United Kingdom epektibo bukas, December 24.
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, natanggap na nila ang kopya ng Resolution No. 90 na nagsususpinde sa lahat ng flights mula sa UK simula December 24 hanggang 31 ng taong kasalukuyan.
Sinabi ni Morente na lahat ng pasahero na galing sa UK sa nakalipas na 14 na araw ay pansamantalang hindi muna papayagang makapasok sa bansa.
Nilinaw ng opisyal na maging ang mga tinatawag na “transitting passengers” mula sa UK ay kasama rin sa travel restriction.
Inatasan na ni Morente ang mga mga tauhan nito na mahigpit na ipatupad ang naturang travel restriction.
Kasabay nito, umapela rin ang Immigration sa mga airline at shipping agents na huwag nang magpapasakay ng mga dayuhang mula sa UK.