Inihayag ng Bureau of Immigration (BI) na nasa 21,757 na foreign nationals na nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) ang nag-downgrade ng kanilang visa.
Ito’y mula nang ipahayag ang pagbabawal sa operasyon nito noong buwan ng Hulyo.
Ayon sa legal division ng BI, sa nasabing bilang ay nasa 10,821 na dayuhan ang umalis na ng bansa at mahigit 12,000 ang nag-apply para sa pag-downgrade noong nakaraang buwan.
Nauna rito, binigyan ng hanggang Oktubre 15, 2024 ang mga dayuhang manggagawa ng POGO para i-downgrade ang kanilang working visa sa tourist visa kasunod ng pagbabawal sa operasyon ng POGO.
Ang pag-downgrade ng visa ay magbibigay-daan sa mga dayuhan na ibalik ang kanilang status sa isang temporary visitor visa kung kaya’t legal silang manatili sa Pilipinas sa loob ng 59 na araw.
Mayroon naman 66,547 na empleyado ng POGO sa bansa noong 2023 at karamihan sa mga ito ay mga dayuhan habang nasa 25,200 ay mga Pilipino.