Bureau of Immigration, pinag-iingat ang publiko sa bago na namang modus na ’emerging trafficking scheme’

Muli na namang nagpaalala ang Bureau of Immigration (BI) sa bago na namang modus na tinatawag na “emerging trafficking scheme.”

Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, kasunod na rin ito nang pagkakadiskubre sa ilang Overseas Filipino Workers (OFWs) na pupunta sa iba’t ibang lugar maliban sa nakasaad sa kanilang mga employment document.

Layon daw ng modus na ito na lituhin ang mga immigration officers sa iba’t ibang paliparan dahil mayroong employment permits ang mga biktima pero sa katunayan ay sa ibang bansa o lugar pala sila nagtatrabaho.


Kung maalala, kamakailan lamang nang naharang ng mga tauhan ng BI ang tatlong pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na biktima ng naturang modus.

Dalawa sa mga biktima ang umaming patungo sila sa Dubai kahit nakalagay sa kanilang dokumento na patungo sila sa kanilang dating employer.

Facebook Comments