Bureau of Immigration, umalma sa paghahain ng reklamo laban sa kanilang mga tauhan

Umalma ang pamunuan ng Bureau of Immigration (BI) sa naging hakbang ng isang grupo ng Indian national na naghain ng mga reklamo laban sa 13 nilang mga tauhan.

Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, lehitimo ang operasyon at pag-aresto ng mga intelligence officer sa 16 na dayuhang national sa Antique at Iloilo na may paglabag sa batas dahil sa pagsasagawa ng iligal na operasyon na 5-6, kidnapping at drug trafficking.

Aniya, hindi matatakot ang BI sa mga ‘untouchable’ na Indian na may iligal na negosyong 5-6 na tinawag na mafia.


Ibinunyag din ni Tansingco na ang pag-aresto laban sa 14 na Indian ay resulta ng mga reklamo natanggap ng ahensiya mula sa Iloilo at Antique .

Ito’y dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga Indian national sa kanilang lugar na sangkot sa iligal na gawain.

Iginiit din ni Tansingco sa kabila ng hawak na visa ng mga dayuhan na nagtrabaho sa naipitisyong kompanya, maituturing pa rin ito na hindi kanais-nais at maaari pa rin mapalayas ng bansa at isama sa blacklist.

Sa kabila ng legalidad ng pag-aresto, nangako si Tansingco na magpapatuloy din ang hiwalay na imbestigasyon sa mga alegasyon ng pangingikil laban sa mga operatiba ng BI at sakaling mapatunayan ang pagkakamali, mahaharap rin sila sa pinakamalupit na parusa ng batas.

Facebook Comments