Kumilos na ang Bureau of Plant and Industry (BPI) para tulungan ang industriya ng saging sa Mindanao na apektado ng sakit sa mga halaman.
Kaugnay nito, isang dayalogo ang ikinasa ng Department of Agriculture (DA), BPI at mga banana planter para alamin kung anong tulong ang ibibigay sa mga naapektuhan ng fusarium wilt.
Ang fusarium wilt ay isang uri ng fungus na sakit ng mga halaman na umaatake ngayon sa banana plantation at iba pang halaman sa Mindanao.
Ipinatawag na ni Agriculture Senior Undersecretary Domingo Panganiban ang Pilipino Banana Growers and Exporters Association para pag-usapan ang pagtutulungan ng industrial ng saging at ng pamahalaan.
Mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., umano ang nag-utos sa DA upang agad tugunan ang problemang ito.
Ang Mindanao ang pinakamaraming lugar sa Pilipinas na nag-export ng saging sa ibang bansa tulad ng China, Japan, Korea at Estados Unidos.
Sa ngayon, ang mga cavendish banana growers ang apektado na ng fusarium wilt sa Mindanao kung saan ito rin ang pangunahing in-export sa ibang bansa.