Bureau of Plant Industry, umalma sa alegasyon ng pangingikil sa ginanap na pagdinig sa Kamara

Pumalag ang ilang empleyado ng Bureau of Plant Industry (BPI) kaugnay sa alegasyon ng “extortion” sa kanilang hanay.

Sa ginanap na pagdinig ng House Committee on Ways and Means tungkol sa smuggling ng agricultural products, humarap si Wilma Ocampo ng Cambridge Consumers Cooperative at sinabing may ilang taga-BPI na humingi sa kanila ng pera para sa paglalabas ng mga imported na gulay.

Ayon kay Ocampo, “first time” silang importer at dahil nagkaroon ng problema ay umabot sa P2.2 million ang halagang nalugi at ang masaklap ay ipinasara na sila.


Kwento pa ni Ocampo sa komite, hiningan umano ng taga-BPI ang isang tauhan nila ng P20,000 na walang resibo at para raw ito sa schedule ng inspeksyon.

May binanggit pa siyang hininging “enrollment” ng mga taga-BPI na nagkakahalaga ng P500,000, pero dahil wala silang ganung kalaking halaga ay nagkaroon ng tawaran ng nasa P150,000 at kung hindi ito maibibigay ay mabubulok ang mga gulay.

Naghain aniya sila ng kasong extortion sa Manila Regional Trial Court, at nagreklamo sa presidential complaint center ngunit sa kasamaang palad ay naibasura ng korte ang kaso.

Pinasinungalingan naman ni Jesusa Ascutia ng BPI, ang mga akusasyon ni Ocampo laban sa kanila na hindi sila humingi o nagdemand ng pera.

Dinetalye pa ng opisyal ang aniya’y tunay na nangyari at mga paglabag na salungat sa mga alegasyon ni Ocampo sa ahensya.

Facebook Comments