Manila, Philippines – Nagbanta si Senadora Cynthia Villar na kakasuhan ang Bureau of Plant Industry sa ilalim ng Dept. of Agriculture (DA) kapag hindi masugpo ang garlic cartel sa bansa.
Nabatid na umabot sa 200 piso kada kilo ang inabot ng presyo ng bawang nitong Mayo kung saan doble ng karaniwan nitong presyo.
Sa pagdinig ng senate committee on agriculture and food kahapon, kumbinsido ang senadora na siyang chairperson ng komite na may kinalaman ang cartel sa pagtaas ng presyo ng bawang sa pamilihan.
Aniya, hindi makatarungan sa mga mamimili at namumuhuhan ang pagtaas ng presyo ng bawang.
Inakusahan din ng senadora ang Bureau of Plant Industry na nakikipagsabwatan sa mga cartel.
Paliwanag naman ni Vivencio Mamaril, Officer in Charge ng Bureau of Plant Industry – maraming negosyante ang hindi nakapag-import nitong mayo dahil apektado ng climate change ang produksyon ng bawang.
Dahil dito, ipatatawag sa susunod na pagdinig ang mga nag-iimport ng bawang at iba pang opisyal ng D-A.