Bureau of Quarantine, umaapela na huwag nang makipag-unahan sa mga OFW na kumuha ng Yellow Card

Nakikiusap ang Bureau of Quarantine (BOQ) sa mga kukuha ng Yellow Card na paunahin na muna ang mga mas kailangan nang makakuha nito o yung mas malapit na ang scheduled flight.

Pahayag ito ni BOQ Director Roberto Salvador Jr. sa gitna ng nararanasang pahirapan sa pagbo-book ng slot para sa pagkuha ng Yellow Card dahil punuan na ito.

Sa Laging Handa public press briefing, hinikayat ni Director Salvador ang mga biyaherong malayo pa ang biyahe o wala pa namang Overseas Employment Certificate at flight confirmation na paunahin na muna yung mga paalis na OFWs.


Para naman aniya sa mga indibidwal na malapit na ang nakatakdang flight ngunit hindi pa rin nakakapag-book ng slot para sa pagkuha ng Yellow Card, pinayuhan ng opisyal ang mga ito na magbook na lamang ng kahit anong petsa.

Matapos nito ay maaari nang dumiretso sa kanilang tanggapan lalo’t mayroon naman silang express lane para mag-assist sa mga mayroon ng flight confirmation.

Facebook Comments