Sermon agad ang inabot ng Department of Agriculture (DA) kay Senator Cynthia Villar dahil sa balak na importasyon ng inorganic fertilizer na aabot sa P10 billion.
Sa pagpapatuloy ng budget hearing sa DA at sa attached agencies nito, sinabi ni Villar na nanggigil siya dahil pinondohan ng ahensya ng napakalaking halaga ang importasyon ng inorganic fertilizer gayong nakasasama sa lupa ang naturang pataba o abono.
Partikular na pinagalitan ng senadora ang Bureau of Soil and Water Management matapos tanggihan ang kanyang ibinibigay na pondong P2 billion para pambili ng composting facilities para mayroon tayong sariling pataba.
Giit pa ni Villar, pinayagan lamang ang importasyon ng inorganic fertilizer para punan ang ating kakulangan sa abono pero ito ay temporary o pansamantala lamang dapat at ang pangmatagalang solusyon para rito ay ang mag-produce tayo ng sariling pataba.
Iminungkahi pa ni Villar na imbes na mag-angkat ng inorganic fertilizer ay gamitin na lamang ang mga kitchen at garden waste na siyang bumubuo sa 50 percent ng basura sa bansa at gawin itong organic fertilizer na ligtas pa sa kapaligiran at libre pang maibibigay sa mga magsasaka.
Inihalimbawa pa ni Villar ang ginawa niya sa Las Piñas kung saan P300 million ang kanilang natipid dahil sa pagre-recycle ng mga kitchen at garden waste na ginagawa nilang pataba gamit ang nasa 89 na composting facility ng lungsod.