Pinasasagot sa gobyerno ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez ang gastusin sa burial at cremation ng mga mahihirap na masasawi sa COVID-19.
Giit ni Rodriguez, hindi na dapat pa pinapahirapan sa mga bayarin ang mga kababayang nawalan ng mahal sa buhay dahil sa coronavirus.
Ayon kay Rodriguez, maaaring sagutin ng Department of Health (DOH) ang gastusin sa burial o cremation ng mga mahihirap na COVID-19 patients sa pamamagitan ng reimbursement scheme.
Aniya, ang LGU muna ang tutugon sa gastos ng isang mahirap na nasawi sa virus mula sa ospital patungong funeral parlor o crematorium hanggang sa libingan at saka ito i-re-reimburse ng LGU sa DOH.
Inirekomenda pa ng kongresista sa mga LGUs na bumuo ng isang team na ‘fully protected’ na siyang magaasikaso sa mga bangkay ng mga nasawi sa COVID-19 upang hindi na mapilitan ang mga kaanak na siya pang magasikaso at para maprotektahan din ang kalusugan ng mga pamilya.
Hiniling din ng mambabatas ang mahigpit sa pagsunod sa tradisyon ng mga kapatid na Muslim na kailangan mailibing ang bangkay sa loob lamang ng 24 na oras habang dapat naman na i-cremate ang bangkay ng COVID-19 patient sa loob ng 12 oras upang maiwasan ang pagkalat ng virus.
Sinabi pa nito na may ilang Local Government Units (LGUs) ang sumunod sa panawagan ng pamahalaan na sagutin ang gastusin ng mga mahihirap na masasawi sa COVID-19 pero may ilang LGUs ang hindi ito kaya dahil sa kakulangan din ng financial resources.