Cauayan City, Isabela- Kinumpirma ni Vice Mayor Leoncio Bong Dalin na hindi pa maaaring bumiyahe o mamasada ang mga dyip at bus ngayong nasa General Community Quarantine na ang Lungsod ng Cauayan.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay VM Dalin, hinihintay pa aniya nila ang guidelines para sa mga pampasaherong jeep at bus na maaaring bumiyahe sa kanilang ruta.
Kaugnay nito, pinapayagan namang bumiyahe ang mga traysikel sa Lungsod subalit kinakailangan pa rin sumunod sa inilabas na number coding ordinance at ito’y ibabase sa body number ng traysikel.
Ayon pa sa bise alkalde, kinakailangan din sumunod sa coding ang lahat ng mga behikulo na papasok sa Lungsod na magmumula sa ibang bayan o syudad.
Bukas na rin aniya ang terminal sa SM City Cauayan para sa mga pinapayagang sasakyan.
Gayunman, mahigpit pa rin aniyang ipapatupad ang mga protocols para sa pag-iwas sa COVID-19 gaya ng pagsusuot ng face mask at social distancing.