Bus biglang nagliyab sa southbound lane ng EDSA-Caloocan

Screenshot via Aaron Mang Ondoy Sy

Nagliyab ang isang pampasaherong bus habang binabagtas ang southbound lane ng EDSA-Bagong Barrio sa Caloocan City nitong Huwebes ng hapon.

Sa bidyong ipinost ni Facebook user Aaron Mang Ondoy Sy, makikitang nasusunog ang bus malapit sa mga car showrooms.

Sa imbestigasyon ng awtoridad, nagsimula mag-apoy ang AC Trans Bus na may plakang TXY-780 bandang 2:20 ng hapon at tumagal ng halos 40 minuto bago tuluyang maapula ang sunog.


Dalawang katao ang nasaktan at agad na itinakbo sa pinakamalapit na pagamutan.

Kinilala ang mga biktimang si Marcyden Reseullo, 24, at Kristine Joy Marfil, 18. Nagtamo ng laceration sa kanang siko at binti si Resuello at sumakit naman ang kaliwang bahagi ng puwitan ni Marfil.

Ayon kay Supt. Stephen Requina, fire marshal ng Caloocan City, hindi mahagilap sa kasalukuyan ang driver at konduktor ng nasabing bus matapos ang pangyayari.

Patuloy pa rin ang pagsisiyasat sa pinagmulan ng sunog.

Facebook Comments