Pinagtulungang bugbugin ang isang bus driver na nakiusap sa grupo ng pasahero na magsuot ng face mask sa California, USA.
Hinataw ng baseball bat ng tatlong kalalakihan ang hindi pinangalanang biktima na isang Asian American, ayon sa pulisya sa ulat ng Fox News.
Ayon sa San Francisco Police Department, noong nakaraang Miyerkules nang sumakay sa bus ang tatlong suspek nang walang face mask, dahilan upang paalalahanan ng biktima.
Sa ilalim ng public health order sa San Francisco, ipinagbabawal ang paglabas at pagpunta sa pampublikong lugar nang walang suot na mask.
Tumanggi umanong makinig ang grupo kaya inalalayan na lang sila ng driver palabas sa bus, ngunit isa sa mga suspek ang bumunot ng baseball bat saka makailang ulit na hinampas sa biktima.
Naniniwala naman ang driver na may kinalaman din ang kanyang lahi sa pananakit ng kalalakihan, dahil maging ang ilan niya umanong pasaherong Asian ay pinagbuntungan din ng grupo.
Batay pa sa tagapagsalita ng Transport Workers Union Local 250A sa ulat ng KTVU, bukod sa panghahataw ay dinuraan din ng mga suspek ang driver na napag-alamang napuruhan sa daliri dahil sa insidente.
Ayon sa Asian Pacific Policy and Planning Council, higit 800 na ang naitalang insidente ng diskriminasyon na may kaugnayan sa COVID-19 laban sa Asian Americans sa California.