Humihirit ang mga bus operator ng ayuda mula sa gobyerno para mapanatili ang kanilang operasyon sa limitadong kapasidad sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ito ang panawagan ng Provincial Bus Operators of Association of the Philippines (PBOAP) kasabay ng pagbabalik biyahe ng mga provincial buses ngayong araw sa Metro Manila at kalapit probinsya.
Ayon kay PBOAP Executive Director Alex Yague, ang subsidy na kanilang matatanggap ay makatutulong sa mga tsuper sakaling walang ipapatupad na taas pasahe.
Maaaring magpatupad ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng grant o discount para sa gasolina o toll.
“Ang mga ruta na binuksan karamihan dito at sa expressway ang daan kaya may toll fee. Bukod sa gastos sa krudo at sweldo sa mga tao, malaki ang portion ng toll fee sa cost of operation,” paliwanag ni Yague.
Dagdag pa Yague, ang gastos sa pagpapanatili ng mga units, kabilang ang regular na disinfection pagkatapos ng bawat biyahe ay masyadong mahal, kasama na ang rental fees sa mga terminal.
Nabatid na binuksan na ng LTFRB ang 12 modified provincial bus routes sa pagitan ng Metro Manila at Regions 3 at 4A sakop ang 286 ng 1,445 registered units.